Biado bandera sa moneymaker list

MANILA, Philippines — Nahablot ni world champion Carlo Biado ang unang puwesto sa listahan ng moneymaker list matapos ang matagumpay na kampanya sa nakalipas na linggo.

Inupuan ni Biado ang No. 1 spot bitbit ang tuma­taginting na $114,000 premyo na nalikom nito sa magkakahiwalay na international competitions.

Una na ang paghakot nito ng $25,000 nang magkampeon sa Universal Chinese Taipei Open sa Taipei, Taiwan noong Enero.

Tinalo ni Biado sa finals ang kababayang si Bernie Regalario sa iskor na 13-7.

Nagkasya lamang ito sa runner-up trophy sa 2024 Alfa Las Vegas Open men’s tournament sa Las Vegas, Nevada ngunit nakapagbulsa pa rin ito ng $14,000.

Pinakamaningning ang kampeonato ni Biado sa Predator WPA Men’s World 10-Ball Championships sa Las Vegas.

Umani ito ng $75,000 top prize sa naturang torneo.

Pinataob ni Biado si Japanese Naoyuki Oi sa iskor na 3-1 sa finals.

 Nasa ikalimang puwesto naman si Lee Vann Corteza na may $41,400 na sa kanyang bulsa.

Show comments