Caring Melody wagi sa rektahan
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas ang Caring Melody sa rektahan matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.
Hinawakan muna ng Star Of The Future ang unahan makaraang humarurot sa largahan, habang nasa pangalawang puwesto ang Dynamic Dyna.
Subalit makalipas ang ilang metro ay inagaw na ng Caring Melody ang bandera sa Star Of The Future.
Dalawang kabayo ang lamang ng Caring Melody sa Star Of The Future sa kalagitnaan ng karera pero papalapit ng far turn ay kinapitan ito ng Skydance.
Nagtagisan ng bilis sa unahan ang Caring Melody at Skydance at bahagyang nakaungos ng nguso ang huli pagsapit ng huling kurbada.
Mainit na bakbakan ang nasilayan ng mga karerista, subalit sa huling 50 metro ay umabante na ang Caring Melody at nanalo na may isang kabayo ang agwat sa Skydance.
Ginabayan ni MM Gonzales, inirehistro ng Caring Melody ang tiyempong 1:28.4 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si JA Rabano ang P22,000 added prize.
Terserong tumawid sa meta ang Essential Lady, habang pang-apat Tough Feeling sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Humamig din ang breeder na si James Albert Dichavez ng P4,500 sa pagkakapanalo ng Caring Melody at may P1,000 at P500 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest