Cignal inangkin ang gold medal

MANILA, Philippines — Pinabagsak ng Cignal HD ang Iloilo, 27-25, 31-33, 25-16, 25-18, para isubi ang gold medal ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League men’s division kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Nagposte si Jao Umandal ng 33 points kasunod ang 22 markers ni JB Bugawan para sa paghahari ng HD Spikers sa torneo.

Matapos matalo sa first set, 25-27, ay inagaw ng D’Navigators ang second frame, 33-31, bago kumulapso sa sumunod na dalawang laro para sumegunda sa torneong inorganisa ni PNVF president Ra­mon “Tats” Suzara.

Sa pangunguna nina Umandal, Bugawan at Madz Gampong ay kinuha ng Cignal ang third set, 25-16, at ginamit ang matibay na depensa para tuluyan nang talunin ang Iloilo sa fourth frame, 25-18.

Inangkin naman ng College of St. Benilde ang bronze medal matapos talunin ang VNS Asereht, 25-18, 25-22, 26-24.

Pumalo si Arnel Aguilar ng game-high 19 points para banderahan ang Bla­zers.

Samantala, binigo ng Savouge Spin Doctors ang Philippine Army, 25-16, 25-23, 25-21, para sa fifth place at pinadapa ng PGJC Philippine Navy ang Phi­lippine Air Force, 25-18, 25-19, 23-25, 25-19, para sa seventh place sa classification phase.

Show comments