MANILA, Philippines — Wagi si CJ Perez ng San Miguel Beer bilang Best Player of the Conference, habang hinirang na Best Import si Johnathan Williams III ng Phoenix Super LPG sa awarding ceremony kagabi bago ang Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot ng 1055 na points si Perez mula sa stats, media at players upang madaig sina Christian Standhardinger (777) ng Barangay Ginebra, Arvin Tolentino ng San NorthPort (559), Calvin Oftana (472) ng TNT at Scottie Thompson (446) ng Ginebra.
Nagrehistro si Perez ng 16.45 points, 7.09 rebounds at 3.82 assists upang maging best player ng unang conference ngayong Season 48.
Malaki ang naging ambag ni Perez sa kampanya ng Beermen na sumakay sa 11-game winning streak papasok sa finals bago mawakasan ito ng Magnolia, 88-80, sa Game 3 ng idinaraos na best-of-seven championship series.
Si Perez ang trumangko sa SMB, habang nadale ng hand fracture injury si 7-time PBA MVP June Mar Fajardo sa kalagitnaan ng elimination round kasalo si Bennie Boatwright Jr.
Pumangatlo si Boatwright dahil hindi kumpletong kampanya bilang replacement ni SMB original import Ivan Aska, sa karera ng Best Import na pinagharian ni Williams.
Kumolekta si Williams ng 1017 points mula sa stats, media at players matapos gabayan ang Fuel Masters sa semifinals.
Nakuha ito ni Williams sa likod ng rehistrong 24.5 points, 16.4 rebounds, 5.2 assists at 1.6 blocks sa kumpletong 11 laro para sa Phoenix Super LPG na kinapos lang kontra sa Magnolia sa semifinals.
Pumangalawa si Tyler Bey (908) ng Magnolia.