BANGKOK, Thailand — Humakot pa ang Swim League Philippines (SLP) ng siyam na ginto, apat na pilak at dalawang tansong medalya sa pagpapatuloy ng 2024 Asian Open School Invitational (AOSI) Aquatics Championships na ginaganap sa Assumption University Aquatic Center (ABAC) Suvarnabhumi Campus dito.
Nagpasiklab sa pagkakataong ito si Alarie Somuelo na humakot ng tatlong gintong medalya sa girls’ 18-over class. Nagrehistro si Somuelo ng dalawang minuto at 18.78 segundo para masikwat ang ginto sa 200m freestyle event bago mamayagpag sa 800m freestyle (10.45.22) at 1500m freestyle (20:33.72).
Hindi rin nagpahuli si veteran international campaigner Aishel Cid Evangelista na nanguna sa boys’ 12-13 200m breaststroke tangan ang bilis na 2:40.23. Wagi rin ng gintong medalya sina Kevin Arguzon, Antonio Joaquin Reyes, Kean Sebastian Paragatos, Sophia Rose Garra at Paulene Beatrice Obebe sa kani-kanyang paboritong events.
Pinagharian ni Arguzon ang boys’ 16-17 100m butterfly bitbit ang 59.14 segundo habang nangibabaw si Reyes sa boys’ 14-15 100m butterfly sa oras na 1:00.51.
Nanguna naman si Paragatos sa boys’ 12-13 50m backstroke (30.95) samantalang nagningning si Garra sa girls’ 10-11 50m breaststroke (39.15) at nanaig si Obebe sa girls’ 14-15 50m freestyle (28.53).
Nakasiguro rin ang SLP ng pilak mula kina Zachary Joseph Tovera boys’ 12-13 50m backstroke (31.52), Ignacio Javier Avellanosa boys’ 6-under 50m backstroke (47.87), Marc Justin Yu boys’ 16-17 800m freestyle (9:22.24) at Kenzie Bengson girls’ 800m 9-year freestyle (11:50.06).
Matapos umani ng dalawang gintong medalya, nagdagdag ng isa pang tanso si Immaculate Heart of Mary College-Paranaque standout Mikhael Jasper Mojdeh sa boys’ 8-year 100m butterfly (1:39.42). Naglista rin ng tanso si Behrouz Mohammad Mojdeh sa boys’ 12-13 200m breaststroke (2:46.98).