Javier, Habla, Guce nagningning sa SMC-PSA Awards Night

MANILA, Philippines — Kumutitap ang gabi nina Leyte Vice Gov. Leonardo “Sandy” Javier, Melaine Habla at John Alvin Guce matapos silang parangalan sa katatapos na San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association Awards Night na ginanap sa Grand Ballroom ng Diamond Hotel, Manila, Lunes ng gabi.

Iginawad kay Javier ang PSA - Horse Owner of the Year mula sa oldest media organization ng bansa na ginigiyahan ni The Philippine Star sports editor Nelson Beltran bilang president.

Ibinigay naman kay horse owner Habla ang tropeo matapos mahirang ang kanyang pambatong pangarera na Big Lagoon bilang PSA-Horse of the Year habang si Guce ang Jockey-of-the-Year.

Kuminang ang mga kabayo ni Javier ng nagpakitang gilas noong 2023, ito’y ang Robin Hood, Magtotobetsky at Vavavoom.

Nanalo ang Vavavoom sa Philippine Sportswriters Association Cup noong Setyembre, 2023 na pinasibat sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas. 

Maliban sa mahusay na horse owner ay kilala din si Javier bilang magaling na breeder ng pangarerang kabayo.

Matagumpay naman ang naging career ni Guce noong 2023 kung saan ay halos magpanalo sa mga stakes races ang kanyang mga sinakyan.

Ginabayan ni Guce ang Big Lagoon noong Disyembre, nagwagi sila sa prestihiyo­song Presidential Gold Cup race.

Sinakyan at pinanalo rin ni JA Guce si Treasure Hunting sa 2023 PHILRACOM Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup.

Posibleng magtuluy-tuloy ang pama­ma­yagpag ng kabayo ni Habla itong 2024 dahil mainam ang isinumiteng tiyempo ni Big Lagoon sa PGC race.

Show comments