Jockey Galleta dumiskarte, Blame The Ghost nanalo sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — Diskarteng tutok ang ginawa ni jockey BJ Galleta upang itaguyod sa panalo ang Blame The Ghost sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kumaripas sa unahan ang Galactus at tinutukan ito ng Boss Uno na nasa bandang labas at ng Blame The Ghost na nasa tabing balya.
Hanggang sa kalagitnaan ng karera ay nasa unahan ang Galactus at nakatutok pa rin ang Boss Uno at Blame The Ghost.
Subalit papalapit ng far turn ay kumuha na ng unahan ang Blame The Ghost at sinundan ito ng Boss Uno habang nauupos na sa tersero ang Galactus.
Papasok ng home stretch ay balikatan sa unahan ang Blame The Ghost at Boss Uno pero pagdating ng rektahan ay umungos na ang winning horse.
Nakalamang ang Blame The Ghost ng tatlong kabayo sa huling 100 metro ng karera kaya naman magaan nitong tinawid ang meta ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang Boss uno.
Nirehistro ng Blame The Ghost ang tiyempong 1:29.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si FB Dela Cruz ang P22,000 added prize.
Nasungkit ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500 habang tig-P1,000 at P500 ang second at third ayon sa pagkakasunod.
Terserong tumawid sa meta ang Sunshine Jeune habang pang-apat ang Galactus.
- Latest