MANILA, Philippines — Hindi maawat si jiu-jitsu fighter Meggie Ochoa sa pagbibigay ng karangalan sa bansa nang umani ito ng silver medal sa katatapos na 15th Abu Dhabi World Professional Jiu-Jitsu Championships sa United Arab Emirates.
Nasiguro ni Ochoa ang pilak matapos makapasok sa final round ng women’s 49-kilogram brown/black belt category.
Subalit hindi pinalad si Ochoa nang matalo ito kay Mayssa Bastos ng Brazil via submission dahilan para magkasya lamang ito sa silver.
Umabante sa gold-medal match si Ochoa nang isa-isa nitong pataubin sina Serena Gabrielli ng Italy via points sa semifinals, Eliana Carauni ng Argentina via decision sa quarterfinals at Anastasia Leonovich ng Russia via points sa Round-of-16.
Ito ang ikalawang sunod na torneo ni Ochoa matapos magreyna sa 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China kamakailan.
Isa si Ochoa sa apat na nakasungkit ng ginto sa Hangzhou Asian Games kasama ang kapwa jiu-jitsi fighter na si Annie Ramirez at si pole vaulter EJ Obiena.
Wagi rin ng ginto ang Gilas Pilipinas sa men’s basketball.
Kandidato ang apat na gold medalists bilang Athlete of the Year sa PSA Annual Awards Night na gaganapin sa Enero 29 sa Diamond Hotel sa Maynila.