F2 target ang 2nd win sa Galeries

MANILA, Philippines — Hahatawin ng F2 Logistics ang ikalawang dikit na panalo sa pagsagupa sa baguhang Galeries To­wer sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference.

Magtutuos ang Cargo Movers at Highrisers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng Petro Gazz Angels at Nxled Chameleons sa alas-6 ng gabi sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.

Solo ng Creamline ang liderato hawak ang 3-0 record kasunod ang Petro Gazz (2-0), Akari (3-1), Chery Tiggo (2-1), Choco Mucho (2-1), PLDT  Home Fibr (2-1), F2 Logistics (1-1), Nxled (1-1), Cignal HD (1-2), Galeries Tower (0-2), Gerflor (0-3) at Farm Fresh (0-4).

Unang nabigo ang Cargo Movers sa Chargers, 25-21, 20-25, 25-27, 25-19, 8-15, bago nanaig sa Chameleons, 25-20, 25-14, 25-16.

Sa nasabing panalo ng F2 Logistics kontra sa Nxled ay humataw si Ivy Lacsina ng 19 points mula sa 15 attacks at 4 blocks.

“Mas nagkaroon kami ng communication ngayon kasi doon kami nagkulang last game versus Akari and ‘yung trabaho namin, hindi na kami masyadong nag-stop ngayon,” ani Lacsina.

Nakalasap naman ang Highrisers ng 11-25, 24-26, 22-25 pagkatalo sa Gazz Angels.

Samantala, pipilitin ng Petro Gazz na saluhan sa liderato ang Creamline habang determinado ang Nxled na makabangon sa naunang kabiguan.

Show comments