MANILA, Philippines — Ipaparada ng Akari sina De La Salle University dynamic duo Fifi Sharma at Justine Jazareno sa kampanya sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Power Chargers ang F2 Logistics Cargo Movers ngayong alas-5 ng hapon matapos ang paghaharap ng Chery Tiggo Crossovers at Farm Fresh Foxies sa alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa huling laro sa alas-7 ng gabi ay magkikita ang Petro Gazz Angels at baguhang Galeries Tower Highrisers.
Bukod kina Sharma at Jazareno, muli ring babandera para sa Akari sina Faith Nisperos, Dindin Santiago-Manabat at team captain Michelle Cobb laban sa F2 na posibleng hindi gamitin si injured star spiker Kianna Dy.
Talo naman ang Cargo Movers sa Cignal HD Spikers sa kanilang bronze medal match sa PVL First All-Filipino Conference.
“We have many games ahead to achieve the championship. We’ll give it our all and see what happens,” sabi ni F2 coach Regine Diego na sasandalan sina Jolina Dela Cruz, Myla Pablo, Ivy Lacsina, Elaine Kasilag, Aby Maraño at Mary Joy Dacoron.
Kaagad nagtala ng panalo ang Creamline, Cignal HD at bagitong Nxled sa pagbubukas ng torneo noong Linggo sa Big Dome.
Tinalo ng Cool Smashers ang Choco Mucho Flying Titans, 25-18, 25-16, 24-26, 25-21 habang giniba ng HD Spikers ang PLDT Home Fibr High Speed Hitters, 25-16, 20-25, 25-21, 25-20.
Pinatumba naman ng Chameleons ang Gerflor Defenders via straight sets, 25-18, 25-14, 25-19.