MANILA, Philippines — Mula sa pagiging world champion ay ipinakita ni Pinay jiu-jitsu fighter Meggie Ochoa ang kanyang husay sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China kahapon.
Inangkin ni Ochoa ang gold medal sa women’s 48 kilogram matapos dominahin sa finals si Balqees Abdulla ng United Arab Emirates via 1-0 advantage.
Ito ang ikalawang gold medal ng Pinas sa Hangzhou Asiad matapos maghari si World No. 2 pole vaulter Ernest John Obiena sa kanyang event.
Idinagdag ng 33-anyos na Pinay fighter ang Asiad gold sa kanyang mga koleksyon na kinabibilangan ng ginto sa 2023 Asian Jiu-Jitsu Championships, dalawang world titles, dalawang ginto sa Southeast Asian Games at isang ginto sa Asian Indoor and Martial Arts Games.
Samantala, pilit na tutumbasan ng Gilas Pilipinas ang gold ni Ochoa sa kanilang rematch ng Jordan sa finals ng men’s basketball ngayong alas-8 ng gabi.
Huling nagkampeon ang mga Pinoy cagers sa Asiad noong 1962 at nasa kanilang unang finals matapos noong 1990 sa Beijing kung saan iginiya ni legendary Robert Jaworski ang isang all-PBA team sa silver medal.
Natalo si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial kay Chinese Tanglatihan Tuohetaerbieke, 0-5, sa finals ng men’s 80 kilogram division.
Nakuntento ang tubong Zamboanga boxer sa silver medal na unang kinuha ni sanda fighter Arnel Mandal sa wushu.
Nagdagdag naman si Pinay karateka Sakura Alforte ng bronze sa women’s individual kata matapos sapawan si Hui Hsuan Chien ng Chinese Taipei.
Dinuplika ito ng sepak takraw team matapos umabante sa semis ng men’s regu event mula sa mga panalo sa India at Myanmar.
Bigo si Marc Alexander Lim na makuha ang bronze nang matalo kay Mansur Khabibulla ng Kazakhstan sa men’s 62-kg repechage event.