MANILA, Philippines — Maglalarga ang Philippine Racing Commission ng charity horse race, papangalanang “Philippine Sportswriters Association (PSA) Cup” na pakakawalan bukas sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
“The Commission has designated the Philippine Sportswriters Association to be the beneficiary of an industry-sponsored charity race on Sept. 17,” ani Philracom acting executive director Ronaldo Corpuz.
Ayon kay Corpuz ibibigay sa asosasyon ang kikitain sa gross betting ng nasabing race sa Metro Turf.
“The proceeds of the race to be given to your association will depend on the race’s gross betting sales from the Metro Manila Turf Club, Inc.,” ani Corpuz.
Matagal ng nagpapakarera ng charity race ang PHILRACOM at nakaraang taon ay naibigay ang kinita sa Philippine team na sumabak sa Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia.
Nasiyahan naman si PSA president Nelson Beltran ng Philippine STAR sa nasabing charity programs at pinasalamatan nito ang PHILRACOM.
Samantala, magtatagisan ng bilis ang Black Magic Woman at Jack Of Clubs pagharap nila sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pakakawalan sa parehong lugar na nabanggit, ngayong araw.
May distansyang 1,000 meter race, rerendahan nina Jomer Estorque at JD Calagos ang Black Magic Woman at Jack Of Clubs ayon sa pagkakasunod upang harapin ang tatlo pang tigasing kalahok.
Lalarga ang nasabing karera sa unang race, ang ibang kasali ay ang Ka Emon, Pagbabago at Lightning Bolt para paglabanan ang added prize na nakataya.