Husay ng Cam From Behind nasilayan ng mga karerista
MANILA, Philippines — Nakitaan ng husay sa rematehan ang Cam From Behind matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Humarurot agad sa unahan ang magkakamping Asiong at Patong Patong, nasa tersero ang Fortissimo habang malayong pang-apat ang Cam from Behind na sinakyan ni class A rider Kelvin Abobo.
Papalapit ng far turn ay tatlo na ang nagbabanatan sa unahan, ito’y ang Asiong, Patong Patong na nasa tabing balya at Fortissimo habang ang Cam From Behind ay nasa pang-apat pa rin pero lumalapit na ito sa unahan.
Pagdating ng home turn ay nasa tersero puwesto na ang Cam From Behind at beripikadong lalampasan nito ang magka-kuwadrang Asiong at Patong Patong.
Sa huling 75 metro ng karera sa rektahan ay naagaw na ng Cam From Behind ang unahan at tinawid nito ang meta ng may dalawang kabayong agwat sa pumangalawang Medaglia D’Amor.
Nirehistro ng Cam from Behind ang tiyempong 1:40.4 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng horse owner na si Melaine Habla ang P10,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Terserong dumating ang Asiong habang pumang-apat ang Fortissimo.
- Latest