Sarno sumira ng SEAG record
MANILA, Philippines — Inilatag ni Vanessa Sarno ang matikas na porma nito upang masiguro ang gintong medalya at makapagrehistro ng bagong record sa 32nd Southeast Asian Games weightlifting competitions kahapon sa National Olympic Stadium’s Taekwondo Hall sa Phnom Penh, Cambodia.
Nasiguro ni Sarno ang ikalawang sunod na gintong medalya sa biennial meet nang pagreynahan nito ang women’s 71kg division.
Nagsumite si Sarno ng bagong SEA Games record sa snatch kung saan bumuhat ito ng 105kg para wasakin ang dating marka na 104kg.
Ang lumang rekord na 104kg ay kanya ring pag-aari na nakuha nito noong 2021 edisyon ng biennial meet na ginanap sa Hanoi, Vietnam noong nakaraang taon.
Naglista rin ang 19-anyos Pinay bet ng 120kg sa clean and jerk para makalikom ng kabuuang 225kg.
“Masaya ako sa performance ko kahit na medyo dikit yung interval sa competition sa Asian Championships sa South Korea last week,” ani Sarno.
Inilampaso ni Sarno si Thipwara Chontavin ng Thailand na nagkasya sa pilak tangan ang 208kg habang pumangatlo si Restu Anggi ng Indonesia na may 206 kg.
“Hindi ko na pinilit na makakuha ng mas mabigat na records dahil sumasakit na ang tuhod ko. Siniguro lang namin na makukuha yung gold,” ani Sarno.
Nauna nang bumasag ng SEA Games record si Tokyo Olympics veteran Elreen Ando sa women’s 59kg division para hablutin ang ginto.
- Latest