Philippine BEST humirit ng 2 golds

Yugo Cabana (kaliwa) at Micaela Jasmine Mojdeh
Chris Co

MANILA, Philippines — Humirit pa ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST) Philippines ng dalawang ginto at isang pilak sa pagpapatuloy ng 58th Malaysia Invitational Age Group Swimming Championships sa Natio­nal Aquatic Center Kuala Lumpur Sports Complex sa Bukit Jalil.

Ayaw paawat ni Brent International School standout Micaela Jasmine Mojdeh nang pagreyna­han ang girls’ 15-17 200-meter butterfly.

Naisumite ni Mojdeh ang bilis na dalawang minuto at 19.60 segundo para igupo sina silver me­dalist Jia Jia Yoong ng Malaysia (2:23.37) at bronze medalist Shakthi Balakrishnan ng India (2:23.38).

Maliban sa ginto ay hu­­­mi­rit pa si Mojdeh ng pi­lak na medalya sa 200m breaststroke matapos magrehistro ng 2:45.44.

Napasakamay ni Rou­xin Tan ng Malaysia ang ginto tangan ang 2:37.09, habang pumangatlo si Gusti Ayu Made ng Indonesia na may 2:45.46.

Sa kabuuan ay may tatlong ginto at dalawang pi­lak na medalya na si Mojdeh matapos ang third day ng kumpetisyon.

Nauna nang nakaginto ang Philippine national ju­nior record holder sa 400m Individual Medley (5:07.42) at 100m butterfly (1:03.23) at nakapilak sa 200m IM (2:25.37).

Muling bumanat si Lu­cena City pride Yugo Cabana ng ginto sa boys’ 11-12 200m butterfly sa iti­nalang 2:25.75 para talunin si­na Malaysians Zhen Kok Yap (2:27.29) na nag­kasya sa pilak at Saw Huai Ching (2:28.40) na umani naman ng tanso.

Sa kabuuan ay may limang gintong medalya na ang Pilipinas sa naturang torneo.

Show comments