Adamson ‘di matinag sa No. 2
MANILA, Philippines — Natakasan ng Adamson University ang hamon ng University of the East, 25-16, 25-19, 20-25, 27-25, upang mapatatag ang kapit sa No. 2 spot sa UAAP Season 85 women’s volleyball tournament kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Muling naasahan ng Lady Falcons si Kate Santiago na gumawa ng 18 points, habang solido rin ang produksyon ni rookie Trisha Tubu na nagdagdag ng 13 hits.
Nadagit ng Adamson ang pang-walong panalo para sumulong sa 8-3 rekord sa ilalim ng De La Salle University na may 9-1 baraha.
“Ayun tumagal pa, muntik pa kaming matalo, good thing nag-recover pa rin. I’d like to look at the positives,” ani Adamson head coach Jerry Yee.
Papasok na sa krusyal na estado ang liga lalo pa’t pukpukan ang labanan sa Final Four race.
Kaya naman para kay Yee, wala nang puwang ang anumang pagkakamali.
“We have to work on ourselves. Iyong kakaba-kaba, iyong pressure, iyong kung anu-ano iyong iniisip,” wika ni Yee.
Naglista naman si Lucille Almonte ng siyam na puntos, siyam na receptions at 13 digs, habang nakalikom sina Lorene Toring at Ckyle Tagsip ng pinagsamang 16 markers para sa Lady Falcons.
Bumanat si Van Bangayan ng career-high na 27 mula sa 25 attacks, isang block at isang ace kasama ang 14 digs para pamunuan ang Lady Warriors.
Subalit hindi ito sapat para dalhin ang kanilang tropa sa pambuwenamanong panalo.
Bagsak ang UE sa 0-11.
- Latest