Sotto tiwala sa kakayahan ni Tamayo

Kai Sotto
Kai Sotto Instagram

MANILA, Philippines — Malaki ang tiwala ni Kai Sotto ng Hiroshima Dragonflies sa kakayahan ng kababayang si Carl Tamayo ng Ryukyu Golden Kings na kuminang din sa international stage bilang Filipino import.

Bagama’t dating magkaribal sa UAAP juniors, naging Gilas Pilipinas teammates ang dalawa at ngayon ay pareho nang Asian imports sa Japan B. League kung saan inaasahan silang patuloy na magpasiklab at ibandera ang Pilipinas.

Hindi muna nagkaharap ang dalawa sa kanilang unang duwelo matapos hindi ipasok ng Ryukyu si 6-foot-7 Tamayo sa kanilang 86-78 panalo kontra sa Hiroshima ni 7-foot-3 Pinoy sensation na si Sotto.

“It’s his first year and his first game and he came in towards the middle of the season. I know how good Carl is. It’s the first game of the season for him, the next games you just gotta watch out for Carl because he’s a really good player,” ani Sotto sa kanyang Gilas teammate.

Dati nang naging magkabangga sa local high school basketball scene si Sotto ng Ateneo at Tamayo ng NU bago maghiwalay ng landas nang tumuloy sa UAAP seniors si Tamayo para sa University of the Philippines habang na­ngibang bansa na agad si Sotto sa Amerika at tsaka sa Australia, kung saan siya naglaro nang dalawang taon.

Kakapirma lang din ni Sotto, 20-anyos, sa Hiroshima at bagama’t mas bata kay Tamayo ay mas hitik ang una sa karanasan overseas matapos ang stint sa Australia National Basketball League (NBL) para sa Adelaide 36ers.

Inaasahang magbabanggaan din sa susunod na pagkakataon ang da­lawang higante ng Philippine basketball lalo’t may laro pa ang No. 4 na Ryukyu (30-9) at No. 5 na Hiroshima (28-11) sa natitirang elimination round ng B. League at sa playoffs na rin.

Show comments