Cargo Movers lusot sa High Speed Hitters
MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang F2 Logistics bago kubrahin ang pahirapang 25-22, 25-21, 14-25, 20-25, 16-14 panalo laban sa PLDT Home Fibr kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Isa sa naging matikas na sinandalan ng Cargo Movers si veteran spiker Myla Pablo na humataw ng 21 puntos, siyam na digs at walong excellent sets para dalhin nag kanilang tropa sa unang panalo.
Ngunit pinaka-naramdaman si opposite spiker Kim Kianna Dy na gumawa ng mga krusyal na puntos para sa kabuuang 17 hits.
Galing din kay Dy ang game-winning backrow attack.
Nakakuha pa ang Cargo Movers ng 11 puntos mula kay team captain Aby Maraño kasama ang tatlong blocks habang nagdagdag si middle blocker Ivy Lacsina ng siyam na puntos.
Magandang panalo rin ito para sa nagbabalik-aksyong si Cha Cruz-Behag na apat na taong hindi nasilayan sa aksyon dahil sa panganganak.
Nag-ambag ito ng tatlong puntos.
Gaya ng nakagawian, solido si libero Dawn Macandili sa floor defense kung saan nakalikom ito ng impresibong 35 digs kasama ang 10 receptions.
Nakuha ng Cargo Movers ang panalo sa kabila ng 36 errors na nagawa nito sa larong tumagal ng dalawang oras at 30 minuto.
- Latest