MANILA, Philippines — Higit sa 1,200 swimmers ang mag-aagawan sa karangalan sa 1st Mayor Ruffy Biazon Swim Cup sa Disyembre 3 sa Muntinlupa Aquatic Center sa Muntinlupa City.
Ayon sa nag-oorganisang Swim League Philippines (SLP) na pinamumunuan ni Fred Ancheta, pinagbigyan nila ang kahilingan ng mga swim clubs na palawigin ang pagpaparehistro ng mga lahok.
“We’re grateful with Mayor Ruffy Biazon for hosting this event,” ani Ancheta. “Sa kasabikan ng mga swimmers, coaches at mga magulang na maging bahagi nitong makasaysayang pagbubukas ng world-class swimming pool sa Muntinlupa, ang bilang ng mga kalahok ay umabot ng higit sa aming inaasahan.”
Inimbitahan sina national junior record holder at national mainstays Micaela Jasmine ‘Water Beast’ Mojdeh at Jamesrey Ajido para magbigay ng inspirational messages sa mga batang manlalangoy.
Ang Muntinlupa Aquatic Center, may modernong kagamitan na angkop sa FINA world standard, ang magiging sentro ng mga kompetisyon sa siyudad.
Inaasahang lalagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa Office of the Mayor para gawing opisyal nang tahanan ng mga SLP swimmers at mga clubs at organization ang naturang Aquatic Center.
Sa mga gustong lumangoy sa Muntinlupa Aquatic Center ay maaaring sumali sa The Holiday Swim Cup sa Dec. 10.