China, Japan nagparamdam agad

MANILA, Philippines — Mainit na sinimulan ng reigning champion China at powerhouse Japan ang kampanya nito matapos ilampaso ang kani-kanyang karibal sa 2022 AVC Cup for Women kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Walang sinayang na sandali ang Chinese squad nang ilatag nito ang mata­talim na atake at solidong net defense para mabilis na pataubin ang South Korea sa pamamagitan ng 25-9, 25-8, 25-9 demolisyon.

Nasa tuktok ng Pool A ang China tangan ang 1-0 rekord habang bagsak sa 0-1 ang South Korea.

Sunod na makakaharap ng China ang Vietnam ngayong araw sa ala-una ng hapon habang sasagupain naman ng South Korea ang Iran sa alas-7 ng gabi.

Sa kabilang banda, winalis ng Japan ang Southeast Asian Games champion Thailand sa bendisyon ng 25-18, 25-19, 25-22 desisyon para makuha ang liderato sa Pool B.

Umangat ang Japan sa 1-0 marka samantalang lumasap naman ng unang kabiguan ang Thailand.

Samantala, hindi pinalad ang Creamline Cool Sma­shers sa unang pagsalang nito matapos lumasap ng 19-25, 17-25, 29-31 desisyon laban sa SEA Games silver meda­list Vietnam.

Nahulog ang Cool Smashers sa 0-1 marka habang umangat ang Vietnam sa 1-0 kartada.

May tsansa ang Pinay Spikers na makapagpahinga dahil wala itong laro sa araw na ito.

Show comments