Gilas 3x3 men’s at women’s teams kakasa sa World Cup Qualifiers
MANILA, Philippines — Sa kasagsagan ng preparasyon at torneo ng men’s at women’s teams, ang Gilas Pilipinas 3x3 men’s at women’s teams naman ang sasabak sa aksyon sa FIBA 3x3 Asia Cup sa Hulyo 6-10 sa Singapore.
Bibida sa Gilas 3x3 men’s team ang PBA 3x3 standouts na sina Almond Vosotros, Lervin Flores at Samboy de Leon ng TNT kasama sina Joseph Eriobu ng Purefoods, Jorey Napoles ng Limitless at Christian Rivera ng Pioneer.
Isang to-time scoring champion ng PBA 3x3 si Vosotros habang pambato ang ibang team members na dumaan sa tryouts nina coaches Lester Del Rosario ng Pioneer, Mau Belen ng TNT, Patrick Fran ng Meralco at Willy Wilson ng Limitless.
Palaban din ang Gilas women’s 3x3 squad sa pangunguna nina Afril Bernardino at Clare Castro kasama sina Khate Castillo, Camille Clarin, Katrina Guytingco, at Mikka Cacho.
Hangad ng Philippine 3x3 teams na makabawi sa Asian tilt matapos mapakawalan ang kani-kanilang trono sa nakaraang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Bilang reigning gold medalists ay nagkasya lang sa bronze medal ang Gilas men’s habang fourth place lang ang women’s team.
Sa Singapore, hindi pa agad pasok ang parehong koponan na kailangan munang dumaan sa qualifying draw upang makasampa sa main phase tampok ang top 3x3 teams sa kontinente.
Kasama ng Gilas men’s ang Indonesia at Jordan sa Pool C habang nasa Pool B ang Gilas women’s ka-grupo ang Jordan at SEA Games gold medalist na Thailand.
Kabuuang 53 teams (30 men’s at 23 women’s) ang paparada sa 2022 edition ng Asia Cup, qualifier para sa FIBA 3x3 World Cup, na pinakamaraming lahok sa kasaysayan.
Naungusan nito ang kabuuang 40 kalahok mula sa 23 na bansa noong 2019 edition na ginanap sa China.
- Latest