MANILA, Philippines — Kinaldag ng University of Perpetual Help System Dalta ang Emilio Aguinaldo College, 25-21, 25-17, 25-7, para maisukbit ang ikalawang panalo sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 97 women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena sa Maynila.
Bumida sa panalo ng Lady Altas si Razel Aldea na kumana ng 12 puntos habang nagdagdag naman si Rhose Dapol ng 11 points at pitong digs.
Nakakuha pa si Janine Padua ng 10 points habang umani sina Charmaine Ocado at Charina Scott ng pinagsamang 13 markers para tumulong sa opensa ng Lady Altas.
Nagawa ito ng Perpetual Help spikers sa tulong ni playmaker Jenny Gaviola na bumanat ng 14 excellent sets kasama si Catherine Lim na nagsumite ng 30 digs.
Umangat ang Lady Altas sa 2-1 baraha habang wala pa ring panalo ang Lady Generals sa tatlong pagsalang.
Nanguna para sa EAC si Krizzia Reyes bitbit ang 11 puntos samantalang naglista si Cathrine Almazan ng anim na hits.
Nakagawa naman si Alex Salvaloza ng 17 digs at 10 excellent receptions.