MANILA, Philippines — Maghaharap ang magkababayang sina Jason Brickman ng Kaohsiung Aquas at Jordan Heading ng Taichung Suns sa finals ng T1 League sa Taiwan.
Naisakatuparan ito kahapon matapos ang dikit na 80-75 panalo ni Heading at ng Suns sa New Taipei CTBC DEA sa National Taiwan University of Sport Gymnasium upang maipanalo ang semifinal series, 2-1.
Naglista ng 12 points si Heading upang buhatin sa finals ang No. 2 seed na Taichung matapos matalo sa Game 2, 96-118.
Nanguna sa panalo ng Suns si Anthony Tucker na may 17 points, 13 rebounds, 3 assists at 2 steals.
Magsisimula ang Game One ng best-of-five finals series ng Taichung sa Martes sa Fengshan Gymnasium kontra sa No. 1 seed na Kaohsiung matapos walisin ang Taiwan Beer HeroBears, 2-0.
Bumida si Brickman sa ipinosteng 25 points, 14 assists, 4 rebounds at 3 steals sa 99-93 Game Two win nila.