Herro umangat sa panalo ng Heat vs Thunder

MIAMI — Umiskor si Tyler Herro ng 26 points at may 19 markers si Duncan Robinson sa loob ng 19 minuto para igiya ang Eastern Conference-leading Heat sa 120-108 panalo sa Oklahoma City Thunder.

May 19 points din si Bam Adebayo kasunod ang 16 markers ni Kyle Lowry para sa ikalawang sunod na ratsada ng Miami (47-24) na gumamit ng 16-2 atake sa dulo ng first half para kontrolin ang laro.

Ito naman ang pang-walong dikit na kamalasan ng Oklahoma City (20-50) na nahulog sa 29-point deficit sa second half at hindi na nakabangon.

Pinamunuan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Thunder sa kanyang 26 points kasunod ang 25 mar­kers ni Tre Mann.

Sa Phoenix, naglista si Devin Booker ng 28 points sa 129-102 pagbugbog ng NBA-leading Suns (57-14) sa Chicago Bulls (41-29).

Sa Philadelphia, humakot si Joel Embiid ng 32 points at nagtala si James Harden ng 24 points at 13 assists sa 111-101 paggupo ng 76ers (43-26) sa Dallas Mavericks (43-27).

Sa Salt Lake City, nag­sumite si Rudy Gobert ng 19 points, 16 rebounds at 2 blocks sa 121-92 do­mi­nasyon ng Utah Jazz (44-26) sa Los Angeles Clippers (36-37).

Show comments