Magnolia lider pa rin

Ang jump shot ni Magnolia import Mike Harris laban kay Kris Porter ng NLEX.

MANILA, Philippines — Isinalpak ni import Mike Harris ang isang reverse layup sa hu­ling 12 segundo para tulungan ang Magnolia sa 112-109 pagtakas sa NLEX at muling solohin ang lide­rato ng PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Tumapos si Harris na may 31 points, 10 rebounds at 2 assists para sa 5-0 record ng Hotshots at inihulog ang Road Warriors sa ikatlong dikit na kamalasan para sa 4-3 baraha nito.

Nag-ambag si Paul Lee ng 21 markers habang may 14 at 11 points sina Ian Sangalang at Mark Barroca, ayon sa pagkakasunod.

“We’ll just take it one game at a time. Five-zero is nothing,” sabi ni Lee na pumukol ng dalawang triples. “Kung sinuman ang makakatapat namin, kailangan naming pag­han­daan.”

Bumangon ang Magnolia mula sa 71-85 pagkakabaon sa 2:37 minuto ng third period para agawin ang four-point lead, 100-96, sa 5:03 minuto ng fourth quarter mula sa basket ni Harris.

Nagkaroon si NLEX rookie guard Matt Nieto ng tsansang maibigay kay coach Yeng Guiao ang bentahe kundi lamang niya naimintis ang tatlong free throws mula sa foul sa kanya ni Jio Jalalon sa 3-point line sa huling 32.4 segundo.

Ang resulta nito ay ang reverse layup ni Harris laban kay Road Warriors’ import KJ McDaniels sa nalalabing 12 segundo para sa 112-109 kalamangan ng Hotshots.

Bigo naman sina McDaniels at Don Trollano na maipasok ang kanilang mga 3-point attempts sa huling po­sesyon ng NLEX.

Sa ikalawang laro, tinapos ng TNT Tropang Giga ang kanilang dalawang sunod na kabiguan makaraang basagin ang San Miguel, 96-81, tampok ang 30 points ni rookie Mikey Williams.

 

Show comments