MANILA, Philippines — Nakabawi sa wakas si Jason Brickman sa kababayang si Jordan Heading matapos ang 87-71 panalo ng Kaohsiung Aquas kontra sa Taichung Suns sa T1 League ng Taiwan sa Kaohsiung Arena.
Umariba si Brickman sa all-around game na limang puntos, siyam na assists, tatlong rebounds at apat na steals para sa Aquas na ipinagpag ang kalawang mula sa lagpas isang linggong pahinga.
Subalit higit doon ay napigil nila ang two-game losing skid kontra sa Suns matapos ang 88-93 at 89-104 kabiguan sa kanilang duwelo.
Wagi ang Kaohsiung kontra sa Taichung sa kanilang unang paghaharap noong Disyembre, 92-81, para ma-split ang four-game season series sa 2-2.
Umangat sa 10-3 ang baraha ni Brickman at ng Aquas upang mapanatili ang kapit sa tuktok ng liga.
Hindi naman sumapat ang 16 puntos, dalawang assists at tatlong rebounds ng Gilas Pilipinas cadet na si Heading na naputol ang five-game winning streak upang malaglag sa 7-6.
Si Heading ang No. 1 overall pick ng Terrafirma noong 2021 special PBA draft para sa Gilas habang si Brickman ang inaasahang maging top selection sa 2022 draft matapos hindi umabot noong nakaraang taon.