Boxing mananatili sa Olympics -- Picson

Ed Picson.

MANILA, Philippines — Kumpyansa si Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) president Ed Picson na patuloy na mananatili sa calendar of events ng Olympic Games ang boxing competition.

Noong nakaraang linggo ay inihayag ng International Olympic Committee (IOC) na posibleng tanggalin ang boxing, weightlifting at modern pentathlon sa 2028 Olympics sa Los Angeles, USA.

Ito ay dahil sa mga isyu sa loob ng nasabing tatlong international federations.

Sinabi kahapon ni Picson sa online session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na gumawa na ng hakbang ang AIBA, ang international boxing federation, bilang pagsunod sa mga kondisyon ng IOC.

“Hindi naman salitang tapos iyon eh. Ang hinihingi lang ng IOC ay tumupad ang mga international federations ng tatlong sports sa mga kondisyon na ibinigay nila,” ani Picson.

Dalawang panel ang binuo ng AIBA para imbestigahan ang mga isyu sa loob ng kanilang asosasyon.

“May mga rekomendasyon sila at isa sa mga rekomendasyon ay baguhin na iyong pangalan ng AIBA. Siguro para sa image. So ang ginawa ng AIBA ngayon ginawang IBA, International Boxing Association,” wika ni Picson.

Hangad pa rin ng ABAP na makuha ang kauna-unahang Olympic gold sa boxing event sa 2024 at 2028 sa Paris, France at Los Angeles, USA, ayon sa pagkakasunod.

Show comments