MANILA, Philippines — Bilang isang balik-import ay alam na ni Paul Harris ang dapat gawin at ang inaasahan sa kanya ng Phoenix para sa kanilang pagsabak sa 2021 PBA Governors’ Cup na magsisimula bukas.
“Paul has been here. He won championships here and iyong character niya si really off the chart,” sabi ni Fuel Masters head coach TopexRobinson kay Harris na naglaro sa PBA para sa Talk ‘N Text Tropang Texters (ngayon ay TNT Tropang Giga) at Ginebra Gin Kings.
Iginiya ng 35-anyos na import ang Tropang Texters sa korona ng Commissioner’s Cup noong 2011 bago kinuha ng Gin Kings noong 2016.
Hindi natapos ni Harris ang kampanya sa Ginebra matapos magkaroon ng hyperextended right thumb na nagresulta sa pagpalit sa kanya ni Justin Brownlee.
“No brainer for us that when Paul was available and he wants to go here. Ang dami niyang pinalampas na opportunities just to be here because he has friends here which he considers as families,” ani Robinson.
“Alam na niya kung ano iyong pupuntahan niya dito. So that’s a big factor for us,” dagdag nito.
Makakatuwang ni Harris sa Phoenix sina Matthew Wright, Jason Perkins, Justin Chua at RJ Jazul bukod pa sa mga bagong hugot na sina Sean Anthony, Sean Ma-nganti, Chris Banchero, Jake Pascual at Simon Camacho.
Ibinigay ng Fuel Masters sina Vic Manuel at Michael Calisaan sa NorthPort Batang Pier kapalit nina Anthony at Manganti at isang 2021 second round draft pick.
“Trying times are gonna be here right now. Games are gonna be quicker and how you recover from each and every opportunity that will be given to you in this short conference,” ani Robinson.