MANILA, Philippines — Nagtapos na ang 12-taong paglalaro ni Arwin Santos para sa San Miguel, habang nai-trade si power forward Vic Manuel sa ikatlong sunod na pagkakataon ngayong season.
Ito ay matapos aprubahan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang one-on-one trade ng Beermen at NorthPort Batang Pier sangkot sina Santos at Manuel.
Ikinagulat ng mga netizens ang pagte-trade ng San Miguel sa 2013 PBAMost Valuable Player na si Santos na naging bahagi ng siyam nilang PBA championships.
Ngunit bilang isang propesyunal ay inaasahang maluwag na tatanggapin ni Santos, ang PBA Finals MVP noong 2011 Governors’ Cup at 2015 Philippine Cup, ang kanyang kapalaran.
Ang NorthPort ang magiging ikatlong PBA team ng tubong Angeles City matapos piliin ng Air21 bilang No. 2 overall pick noong 2006 Annual Draft at maglaro para sa Petron Blaze/San Miguel sa loob ng 12 taon.
Sa Batang Pier ni coach Pido Jarencio ay makakasama ng tinaguriang “Spiderman” sina seven-footer Greg Slaughter, scorer Robert Bolick at top rookie Jamie Malonzo.
Ang eksperyensa ng 40-anyos na si Santos ang mahuhugot ng NorthPort mula sa dating kamador ng Far Eastern University Tamaraws.
Noong Biyernes naman nakuha ng Batang Pier ang 34-anyos na si Manuel kasama si wingman Michael Calisaan mula sa Phoenix Fuel Masters kapalit nina 2019 top Defensive Player Sean Anthony, sophomore Sean Manganti at isang 2021 second round draft pick. Lalo pang palalakasin ni Manuel ang front line ng Beermen katuwang sina six-time PBA MVP June Mar Fajardo at 6’8 Moala Tautuaa bukod pa kina Terrence Romeo, CJ Perez, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter.