CEBU, Philippines — Tinambakan ng Stockton Kings ang Santa Cruz Warriors, 122-97, upang regaluhan si assistant coach Jimmy Alapag ng matagumpay na debut sa NBA G-League kahapon sa Kaiser Permanente Arena sa California.
Bumida para sa Stockton, ang G-League affiliate team ng NBA squad Sacramento Kings, si Louis King na kumamada ng 33 puntos, pitong rebounds at apat na assists.
Nagtala naman ng 24 at 21 markers sina Neemias Queta at Jahmi’us Ramsey, ayon sa pagkakasunod, upang suportahan si King sa 1-0 simula ng Stockton.
Nagsisilbi si Alapag na deputy mentor kay Stockton head coach Bobby Jackson kasama sina Will Scott at Akachi Okugo.
Napasali siya sa G- League coaching staff ng Kings matapos maging bahagi ng kampeonato ng Sacramento sa 2021 NBA Summer League noong Agosto.
Noong 2019 ay naging assistant coach na rin si Alapag para sa Sacramento sa Summer League bago makasama sa regular season staff ng G-League ngayon.