MANILA, Philippines — Saglit lamang ang itinagal ni Vic Manuel sa kampo ng Phoenix.
Inaprubahan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang pagbibigay ng Fuel Masters sa 34-anyos na veteran power forward sa NorthPort Batang Pier kapalit ni small forward Sean Anthony.
Para maaprubahan ng PBA ay isinama rin ng Phoenix sa paglipat ni Manuel sa NorthPort si wingman Michael Calisaan para makuha si Anthony kasama si Sean Manganti at isang future 2nd round pick.
Isa itong reunion para kay Manuel at sa Batang Pier na tumapik sa tubong Licab, Nueva Ecija bilang No. 9 overall pick noong 2012 PBA Draft bago ibinigay sa Meralco sa sumunod na season.
Naglaro rin ang dating kamador ng Philippine School of Business Administration (PSBA) Jaguars para sa Air21 Express at Alaska Aces.
Bago ang pagsisimula ng 2021 PBA Philippine Cup ay nahugot ng Fuel Masters ang 6-foot-4 power forward mula sa Aces kapalit ni guard Brian Heruela at tatlong draft picks.
Nagtala ang 34-anyos na si Manuel ng mga averages na 12.82 points, 5.87 rebounds at 1.45 assists para sa Fuel Masters sa kanyang 11 laro.
Sa pagbabalik ng tinaguriang ‘Muscle Man’ sa bakuran ng NorthPort ay makakasama niya sina Robert Bolick, Kevin Ferrer, Paolo Taha at top overall pick Jamie Malonzo.
Maglalaro naman ang 35-anyos na si Anthony sa kanyang pang-walong koponan matapos sa Powerade, Barako Bull, Talk ‘N Text, Air21, Meralco at NLEX.
Sa kanyang kampanya para sa Batang Pier ay nagawaran ang Fil-Canadian ng Defensive Player of the Year, naisama sa Mythical First Team at sa All-Defensive Team noong 2019 season.