MANILA, Philippines — Naniniwala si Magnolia head coach Chito Victolero na darating ang tamang oras para muli silang tanghaling kampeon sa PBA.
Yumukod ang Hotshots sa TNT Tropang Giga, 1-4 sa championship series ng nakaraang 2021 PBA Philippine Cup sa semi-bubble setup sa Bacolor, Pampanga.
“Maybe it’s not our time pa. Hopefully, next time,” wika ng one-time PBA champion na si Victolero na kasalukuyang nasa isang two-week break kagaya ng Magnolia team matapos sumabak ng dalawang buwan sa Bacolor bubble.
Ito ang ikatlong pagkakataon na naging runner-up ang Hotshots sa Philippine Cup Finals matapos mabigo sa San Miguel Beermen noong 2018 at 2019 seasons.
Bagama’t minalas na angkinin ang korona ng All-Filipino conference ay masaya pa rin ang 45-anyos na dating Mapua Cardinals point guard sa narating ng Magnolia.
“Kumbaga consistent iyong team namin, we’re fighting every time (for the championship). Hindi lang kami maka-get over the hump,” ani Victolero sa SMC franchise na iginiya niya sa kampeonato noong 2018 Commissioner’s Cup.
Samantala, inamin ng ilang PBA teams na mahihirapan silang makakuha ng imports para sa pinaplanong second conference sa huling linggo ng buwan.
Ito ay dahil kailangan pa nilang kumuha ng clearance sa Inter-Agency Task Force (IATF) para makalaro ang mga imports sa torneo na hindi rin naisagawa noong nakaraang taon sa Clark bubble.
Itinakda ng PBA ang 6-foot-6 height limit para sa mga imports na dapat ring mga fully vaccinated sa kanilang pagdating sa bansa.