Mangliwan/ Aceveda finals muna ang tinitingnan

MANILA, Philippines — Sakaling makapasok sa finals ng kani-kanilang events ay ibibigay nina wheelchair racer Jerrold Mangliwan at discus thrower Jeanette Aceveda ang lahat ng kanilang makakaya para makamit ang unang Paralympic Games gold medal ng Pilipinas.

“Ang pinaka-goal ko is to make it to the finals po talaga,” wika ng 2016 Rio De Janeiro Paralympics campaigner na si Mangliwan sa pagsabak niya sa Tokyo Paralympics. “Kung makuha ko po iyong goal ko na iyon, all out na po doon.”

Sa Biyernes ay sasabak si Mangliwan sa T52 men’s 400-meter race kung saan nakatakda ang heats sa umaga at ang finals sa gabi. “Ang umaaayaw ay hindi magwawagi. Kaya hindi tayo umaayaw,” wika ni Mangliwan na tumayong flag bearer ng Team Philippines sa opening ceremonies ng Tokyo Paralympics kagabi sa Japan National Stadium.

Aminado si Aceveda, nag-uwi ng tatlong gintong medalya noong 2013 ASEAN Para Games sa Naypyidaw, Myanmar, na malalakas ang kalaban. “Salang-sala na po iyan sa bansang pinanggalingan nila. So battle of the champions na po iyan. Eh, hindi po tayo susuko,” wika ng 50-anyos na discus thrower.

Bukod kina Mang-liwan at Aceveda, ang iba pang sasalang sa Tok-yo Paralympics ay sina powerlifter Achel Guion, swimmers Gary Bejino at Ernie Gawilan at taekwondo jin Allain Ganapin.

Nasa Tokyo na sina Mangliwan, Aceveda, Bejino, Gawilan at Guion at darating si Ganapin sa Agosto 29 kasama si coach Dindo Simpao.

Show comments