MANILA, Philippines — Pinangalanang team captain ng men’s volleyball team si veteran wing spiker John Vic De Guzman para sa malalaking international tournaments na lalahukan ng koponan.
Lubos ang kasiyahan ng 6-foot-2 na si De Guzman sa tiwalang ibinigay sa kanya ng coaching staff.
“Malaki ang pasasalamat ko sa coaching staff sa trust nila sa akin and at the same time sa teammates ko dahil sa suporta nila at respeto sa akin bilang team captain,” ani De Guzman.
Aminado si De Guzman na mabigat na tungkulin ang pagiging skipper ng isang team ngunit handa itong yakapin ang responsibilidad para pangunahan ang tropa.
“Yung pagiging team captain hindi lang siya sa loob ng court dahil kasama ‘yung sa labas ng court. Kung paano iha-handle ‘yung team para mabuo ‘yung bond,” dagdag ni De Guzman.
Matatandaang si De Guzman ang team captain ng Pinoy spikers noong 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City kung saan nasungkit ng kanilang tropa ang pilak na medalya.
Hangad ng men’s team na muling makapasok sa finals sa Vietnam SEA Games na inilipat sa susunod na taon.
Bukod sa SEA Games, nakatakda ring sumabak ang men’s team sa 2021 AVC Asian Men’s Club Championship na gaganapin sa Oktubre 6 hanggang 13 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Kasama ni De Guzman sa pool sina Bryan Bagunas, Marck Espejo, Mark Alfafara, Rex Intal, Kim Malabunga, Francis Saura, Jack Kalingking, Jessie Lopez, Ricky Marcos, Ish Polvorosa, Joshua Retamar at Joshua Umandal.
Nasa listahan din sina Ysay Marasigan, Nico Almendras, Joeven Dela Vega, JP Bugauan, Lloyd Josafat, Kim Dayandante at Manuel Sumanguid.
Mananatili si veteran mentor Dante Alinsunurin bilang head coach.