Perlas Spikers walang nilabag na protocol

MANILA, Philippines — Iginiit ng Perlas Spikers management na nasusunod ang lahat ng health protocols at walang nalabag na patakaran habang nasa training camp sila sa Baguio City.

Sa inilabas na statement ng Perlas Spikers, itinanggi nila ang mga nagsulputang ulat na lumabas umano ang ilang players ng training bubble.

Nilinaw din ng Perlas Spikers na hindi sila naka-billet o nagtungo sa Teacher’s Camp sa panahon ng kanilang training camp. Bukod-tanging sa tinutuluyang accommodation lamang at training venue ang pinupuntahan ng team.

“We are not billeted in Teacher’s Camp. The only places that we go to apart from our accommodation are our court training venue and our gym training,” ani Perlas Spikers team captain Jem Ferrer.

Sinabi pa ni Ferrer na may mga CCTVs ang kanilang accommodation para patunayan na hindi lumalabas ng training bubble ang kanilang tropa.

“In our accommodation there is a CCTV that monitors us 24/7 and that can prove that we do not go out of our gates except for court training and gym training as mentioned earlier,” dagdag ni Ferrer.

Walong miyembro ng Perlas Spikers delegation ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) kabilang na ang pitong players.

Nanawagan ang Perlas Spikers na patuloy na ipanalangin ang mabilis na paggaling ng mga tinamaan ng virus lalo pa’t plano nang buksan ang Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Hulyo 17.

 

Show comments