Brickman tutulong sa training ng 3x3 team

MANILA, Philippines — Pumasok na rin sa training bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna si Filipino-American ace Jason Brickman upang tulungan ang Gilas Pilipinas 3x3 team sa paghahanda nito sa nalalapit na FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament sa Graz, Austria.

Magsisilbing practice player si Brickman kasama sina Malick Diouf, Agosto Flor at Tonino Gonzaga sa training ng 3x3 Nationals na binubuo nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, CJ Perez at Mo Tautuua para sa 3x3 qualifiers sa Mayo 26-30.

Miyembro si Brickman ng Meralco 3x3 team sa inaugural PBA 3x3 na inaasahang isimulan ngayong Season 46.

Kasama rin sina Santi Santillan at Karl Dehesa sa Gilas training pool sa gabay ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) 3x3 program director at Meralco deputy Ronnie Magsanoc.

Mapapalaban ang Gilas 3x3 kontra sa Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic sa Group C ng 20-team OQT para sa tsansang makapasok sa Tokyo Olympics sa Hulyo. 

 

 

Show comments