Garcia darating sa Pinas
MANILA, Philippines — Plano ni dating world champion Mikey Garcia na tumulak sa Pilipinas na posibleng maging hudyat upang pormal nang maikasa ang laban nito kay eight-division world champion Manny Pacquiao.
Inihayag ni Garcia ang intensiyon nitong pumunta sa Pilipinas sa isang video na naka-post sa mga boxing websites.
“Big shoutout to all my Filipino fans. I love you guys. I love the support that you have always given me. We hope to see you soon,” ani Garcia.
Isang formal announcement na lamang ang inaabangan ng lahat para tuluyang mailagay sa kalendaryo ang Pacquiao-Garcia fight.
Nauna nang naglabas ng teaser si Arnold Vegafria ng Pacquiao-Garcia fight sa kanyang Instagram na inaasahang idaraos sa Dubai, United Arab Emirates sa Hulyo o Agosto.
Kinumpirma rin ni Pacquiao na may negosasyong nagaganap para sa laban subalit hindi muna nito pinangalanan ang kanyang makakasagupa.
Nais ni Pacquiao na ang Paradigm Sports-- ang humahawak sa boxing career ng Pinoy champion-- ang opisyal na mag-anunsiyo ng laban.
Kaya naman mainit ang usapan ng mga boxing analysts na posibleng hinihintay na lamang si Garcia bago pormal na i-anunsiyo ang laban.
“I wanna come over there, visit, and maybe we can do something big, maybe we can do something with Manny, finally. Thank you guys,” ani Garcia.
Matagal nang nasa radar ng Team Pacquiao si Garcia. Nagulo lamang ang Pacquiao-Garcia fight nang umeksena ang pangalan ni reigning World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford.
Plano sana ang Pacquiao-Crawford fight sa Hunyo sa Abu Dhabi su-balit gumuho ito dahil sa kawalan ng sponsor kaya nabuhay ang negosasyon kay Garcia.
Halos dalawang taon nang ‘di umaakyat ng ring si Pacquiao.
Huli itong sumalang noong 2019 nang gapiin nito si Keith Thurman via split decision para maagaw ang World Boxing Association (WBA) welterweight belt.
- Latest