MANILA, Philippines — Pinatunayan ni Chico Lanete na may ibubuga pa ito matapos umusad sa final round ng FIBA 3x3 World Tour Doha Masters’ Shootout Challenge na ginaganap sa Al Gharafa Sports Complex sa Doha, Qatar.
Nanguna si Lanete sa qualifying round nang magpasok ito ng 8-of-10 baskets.
Sumablay sa unang basket si Lanete ngunit agad itong bumawi nang makuha ang dalawang sunod. Isa pang sablay ang naitala ng Pinoy bet sa ikaapat na bola bago sunud-sunod na maisalpak ang anim na sumunod na bola para makuha ang unang puwesto sa qualifying.
Makakalaban ni Lanete sa final round sina second seed Darius Tarvydas ng Saklai-Lithuania (7 points), third seed Steve Sir ng Edmonton-Canada (6 points) at fourth seed Filip Kramer ng Graz-Austria (5 points).
Ang final round ng Shootout Challenge ay alas-11 kagabi (oras sa Maynila).
Target ni Lanete na masungkit ang Shootout Challenge title bilang pampalubag loob matapos masibak ang Manila Chooks TM sa 3x3 tournament proper.
Pumangalawa lamang ang Pinoy squad sa qualifying round nang magtala ng 1-1 rekord matapos yumuko sa Graz-Austria sa kanilang unang salang (17-22) bago nakuha ang dikit na 22-20 panalo sa Doha-Qatar.
Nakapasok ang Graz-Austria sa main draw tangan ang malinis na 2-0 baraha.
Nagtapos ang Manila Chooks TM sa ika-13 puwesto habang kulelat sa No. 14 ang Doha-Qatar na walang naipanalo sa 2-laro.