MANILA, Philippines — Tila nagbago ang ihip ng hangin matapos ihayag ni Vic Manuel na bukas ito sa posibilidad na makipag-ayos sa pamunuan ng Alaska Aces.
Matapos ang ilang araw na bakasyon sa Laguna, binasag ni Manuel ang pananahimik nito kung saan mas naging malambot ang puso nito kumpara sa kanyang mga naunang pahayag.
“Alam mo naman na love ko ‘yung Alaska. Diyan ako tumagal e. Nandiyan ‘yung love and respect ko sa Alaska pero kung anuman ang mangyayari, hindi natin masabi,” ani Manuel sa programang Sports All-In.
Anim na taon ding naging tahanan ng 6-foot-4 forward ang Aces ngunit nagulantang ang lahat nang hilingin nitong ma-trade na lamang dahil hindi nito nagustuhan ang offer ng Alaska na two-year maximum deal pero team-option ang ikalawang taon.
Sinabi ni Manuel na nananatili ang mataas na respeto nito sa Alaska management at handa itong makipagkasundo kung magiging maayos ang usapan.
“Kahit ano man mangyari, kailangan mag-move on. Kahit mawala ako, nandiyan pa rin naman ‘yung team at ‘yung players. Nandiyan pa rin ‘yung suporta ko. Pero malay natin magkasundo pa,” ani Manuel.
Kaliwa’t kanang koponan na ang lumulutang na interesado sa serbisyo ni Manuel kabilang na rito ang NLEX, Phoenix at San Miguel Beer.
Gusto ni Manuel ang Road Warriors dahil kay head coach Yeng Guiao na isa sa tinitingala nitong coaches sa liga, Fuel Masters dahil sa matalik nitong kaibigan na si Calvin Abueva at paboritong niyang team ang Beermen bago pa man ito pumasok sa PBA bukod pa rito ang pagiging malapit nito kay Arwind Santos.