Tropang Giga abante sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Hindi na pinakawalan ng TNT Tropang Giga ang kanilang ikalawang tsansa.

Ibinulsa ng Tropang Giga ang outright quarterfinals ticket matapos isalya ang NorthPort Ba­tang Pier, 112-87, sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.

Ito ang ikaanim na panalo sa pitong laro ng Tropang Giga, nagmula sa 98-109 kabiguan sa NLEX noong Huwebes na dumiskaril sa pagpasok nila sa quarterfinals.

“Like I said before, we cannot take teams for granted. Kahit 1-4 pa iyan or 1-5 pa iyan. We have to win every game,” wika ni coach Bong Ravena.

Tumipa si Ray Ray Parks, Jr. ng 22 points, 10 rebounds at 2 assists para banderahan ang Tropang Giga, kinuha ang 24-point lead sa halftime bago ibinaon ang Batang Pier sa 86-50 sa huling 1:25 minuto ng third quarter.

Nagdagdag si RR Po­goy ng 15 markers at humakot si Troy Rosario ng 14 points at 10 boards para sa TNT Tropang Giga.

Nauna rito, humakot si center Moala Tautuaa ng 26 points at 14 rebounds, habang humugot si guard Chris Ross ng lima sa kanyang walong puntos sa overtime period para igiya ang nagdedepensang San Miguel sa 90-88 paglusot sa Blackwater sa unang laro.

Ang panalo ang nagtaas sa baraha ng Beermen sa 5-2 para palakasin ang tsansa sa eight-team quarterfinals cast.

Sa ikalawang laro, nag­­pasabog si Matthew Wright ng 33 points, tampok rito ang anim na triples at tumapos si Calvin Abueva ng triple-double para sa 116-94 pagdaig ng Phoenix sa Terrafirma.

Nagtala si Abueva ng 12 points, 10 rebounds at career-high 10 assists para sa 5-3 record ng Fuel Masters.

 

Show comments