TNT Katropa lider na

MANILA, Philippines — Sa kabila ng masamang inilaro sa first half ay nagawa pa rin ng Tropang Giga na mailista ang kanilang ikaapat na sunod na panalo.

Binalikan ng TNT Katropa ang Phoenix sa second half para kunin ang 110-91 tagumpay at patuloy na pamunuan ang 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym.

Kasabay ng pagtatala ng 4-0 record ay inihulog ng Tropang Giga ang baraha ng Fuel Masters sa 3-1.

Nagpasabog si RR Pogoy ng 30 points tampok ang 5-of-11 shoo­ting sa three-point range habang nagdagdag si Poy Erram ng 18 markers, 15 rebounds at 3 blocks.

“Siguro pagod na kaming matalo palagi sa start ng All-Filipino.  Pinu-prove lang namin na kaya naming manalo,” sabi ni Pogoy.

Isang 16-2 atake ang ginawa ng Phoenix sa second period para iposte ang 14-point lead, 40-26, mula sa dalawang free throws ni Matthew Wright sa 5:56 minuto nito.

Nagtuwang naman sina Pogoy, Ray Ray Parks  Jr., Troy Rosario at Ryan Reyes para ibigay sa TNT Katropa ang 66-65 abante sa huling 3:57 minuto ng third quarter.

Tuluyan nang nakalayo ang Tropang Giga sa kinuhang 13-point advantage, 85-72, matapos ang salaksak ni Parks sa 9:16 minuto ng final canto.

Lalo pang nabaon ang Fuel Masters sa 85-104 matapos ang three-point shot ni Pogoy sa huling 2:56 minuto ng bakbakan.

Pinamunuan ni Wright ang Phoenix sa kanyang 31 points.

 

Show comments