MANILA, Philippines — Bago siya makasama sa ensayo ng Meralco ay kailangan munang dumaan si center Raymond Almazan sa ipinatutupad na health at safety protocols para sa 2020 PBA Philippine Cup.
Nakatakdang pumasok kahapon sa PBA ‘bubble’ sa Clark Freeport Zone sa Angeles, Pampanga ang 6-foot-8 na si Almazan matapos makumpleto ang rehabilitasyon para sa kanyang natamong lateral meniscus tear.
Sasailalim ang pro-dukto ng Letran Knights sa swab testing at kaila-ngang manatili sa kanyang kuwarto para hintayin ang resulta.
Umaasa si Bolts’ head coach Norman Black na magiging negatibo si Almazan sa coronavirus disease (COVID-19) kagaya ng iba pang PBA players para sa kanilang kampanya sa torneong itinakda sa Oktubre 11 sa Angeles University Foundation Gym.
Niyanig naman ang PBA delegation sa Quest Hotel sa Mimosa ng lindol na may lakas na 4.7 magnitude noong Sabado ng gabi.
Ang epicenter ay sa Camiling, Tarlac City, ayon sa ulat ng Phivolcs (Phi-lippine Institute of Volcanology and Seismology). Wala namang napaulat na pinsala sa Quest Hotel na tinitirhan ng mga players, coaches at team staff.
Samantala, maliban sa golf, swimming, table tennis, billiards at darts ay maglalagay rin ang PBA ng isang video game hub sa Mimosa Leisure Estate kung nasaan ang Quest Hotel bukod pa sa bike at jogging paths para sa mga players.