PJ Simon nagretiro
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nagretiro sa Philippine Basketball Association (PBA) si ‘Scoring Apostle’ PJ Simon ayon sa kanyang opisyal na anunsyo kahapon sa social media matapos ang ilang araw na pag-aagam-agam.
“Nakakalungkot pero ito na siguro ‘yung tamang panahon para magpaalam sa liga.” anang 40-anyos na veteran sa kanyang Instagram account na @pjs08.
“This is PJ Simon, The Super Sub, Your Scoring Apostle, signing out.”
Nauna nang inanunsyo ni Simon ang kanyang retirement sa simula nitong taon at nakatakda sanang laruin ang kanyang huling conference sa Philippine Cup kasama ang kanyang jersey retirement noong nakaraang Mayo.
Subalit nadale ng pandemya ang PBA Season noong Marso, dahilan upang maurong nang maurong ang kanyang pagreretiro bago niya ito gawing opisyal kahapon.
Kilala bilang isa sa pinakamalaking draft steal sa kasaysayan, ang 43rd overall pick noong 2001 PBA Rookie Draft ay aalis sa PBA bilang 8-time champion, 8-time All Star, All Star MVP, Three-Point Shootout champion at 2-time Mythical Team member.
Tubong Makilala, North Cotabato, sa Magnolia (Purefoods franchise) lang ginugol ni Simon ang kanyang buong 17 seasons sa PBA.
- Latest