MANILA, Philippines — Isang araw matapos sibakin ng Phoenix bilang head coach ay tumanggap ng simpatiya si Louie Alas mula sa mga netizens.
At pasasalamat lamang ang tanging isinagot ng 56-anyos na si Alas sa kanyang mga tagahanga na pinahalagahan ang mga nagawa niya para sa Fuel Masters sa nakaraang tatlong taon.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni Alas ay dalawang beses nakapasok ang Phoenix sa playoffs sa naitalang 33-33 record sa elimination round.
Inihatid ni Alas ang Fuel Masters sa semifinals sa unang pagkakataon bilang top-seeded team sa eliminasyon ng 2019 Philippine Cup.
Pinatawan ng Fuel Masters si Alas ng 15-day suspension dahil sa paglabag sa sarili nilang health at safety protocols nang magbalik-ensayo ang koponan.
Kaagad ipinagtanggol ng kanyang anak na si Kevin, point guard ng NLEX Road Warriors, si Alas.
“I understand that this is a business but man, don’t expect to win if that’s how you treat your employees - as if they are disposable,” ani Kevin sa Phoenix management. “Really blessed that I play under an organization that treats me with love and respect.”
Hinirang ng Fuel Masters si Topex Robinson bilang interim coach.