Bernaldez ‘di umubra
MANILA, Philippines — Hindi umubra ang tapang ni Filipino super featherweight Mark ‘Machete’ Bernaldez laban kay six-foot American fighter Albert Bell.
Ginamit ni Bell ang kanyang height at reach advatage laban sa 5’6 na si Bernaldez para kunin ang unanimous decision win sa kanilang 10-round, non-title fight kahapon sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada.
Binigyan si Bell nina judges Tim Cheatham, Max DeLuca at Richard Ocasio ng magkatulad na 100-90 points.
Nabigo si Bernaldez na duplikahin ang naunang panalo nina super bantamweight ‘Magic’ Mike Plania at super lightweight Raymond Yanong na nagwagi sa kanilang mga non-title bouts.
Tinalo ni Plania (24-1-0, 12 KOs) si World Boxing Organization (WBO) top bantamweight conten-der Joshua Greer, Jr. noong Hunyo 16, habang nanaig si Yanong (11-5-0, 9 KOs) kay American Clay Burns noong Hunyo 25.
Bumaba naman sa 20-4-0 (14 knockouts) ang win-loss-draw ring record ni Bernaldez at pinaganda ni Bell ang bitbit niyang 17-0-0 (5 KOs) card.
Halos nagawa ni Bell ang gusto niyang gawin laban kay Bernaldez hanggang sumakit ang kanyang kanang kamay dahil sa malakas na right straight sa Pinoy boxer sa ninth round.
Sa kabuuan ng laban ay kumonekta si Bell ng 125-of-418 punches (30%) kumpara sa 46-of-319 punches (14%) ni Bernaldez.
Isa sa apat na kabiguan ni Bernaldez ay laban kay Andy Vences na tinalo ni Bell noong Hunyo ng nakaraang taon.
- Latest