Dahil sa ginagawang malawakang paglaban sa lumalalang sitwasyon ng kumakalat na COVID-19, hindi lamang dito sa bansa kundi sa buong mundo ay suspendido o kanselado ang lahat ng sporting events.
Summer pa naman at maraming tournaments ang idinaraos sa mga panahong ito, pero para sa kapakanan ng lahat, wala munang maidaraos na sporting event.
Lalo pa ngayon at paiiralin ang ‘community quarantine’ simula bukas hanggang April 14.
Sana ay humupa ang sitwasyon para makapagpatuloy ang mga sinusubaybayang torneo at maidaos ang mga inaabangang palaro.
Sa ngayon, tigil lahat ng aksyon.
Wala munang PBA, NCAA, UAAP, MPBL, D-League at iba pang liga.
Bawal na nga kasi ang mass congregation.
Ipinapayong huwag munang lumabas ng bahay kung hindi kailangan at kung kailangang lumabas ng bahay, sundin ang ‘social distancing’ (3 meters away) at pangalagaan ang sarili laban sa kumakalat na virus.
Kasabay nito, magpalakas ng resistensiya, siguraduhing may proteksyon laban sa virus.
Maghugas lagi ng kamay, mag-alcohol o hand sanitizer palagi pero mas mainam ang paghuhugas ng kamay.
Kung galing sa biyahe sa abroad, i-isolate ang sarili para hindi maipasa sa iba ang virus sakaling na-contact mo na ito nang hindi mo nalalaman.
Lahat nang preventive measures na ito ay lagi na nating nababasa, naririning at napapanood.
Pero sa kasamaang palad, dumarami ang nagpopositibo sa COVID-19.
Kaya, nasa ating lahat nakasalalay kung paano malalabanan ang virus.
Responsibilidad natin sa ating sarili sa ating mga mahal sa buhay, mga taong mahalaga sa atin sa ating komunidad at sa buong bansa na labanan ang virus at protektahan ang ating sarili at ang ibang tao.
Kaya kung sama-sama at tulung-tulong tayong labanan ang COVID-19, mapapabilis ang pagbabalik ng mga sinusubaybayan nating torneo at maidaraos lahat ang mga inaabangan nating sporting events.