San Miguel, Ginebra paborito pa rin sa Phl Cup
MANILA, Philippines — Kahit wala ang mga higanteng sina June Mar Fajardo at Greg Slaughter ay nananatiling paborito ang San Miguel at Barangay Ginebra na manaig sa papalapit na 2020 PBA Philippine Cup.
Ayon ito mismo sa PBA Board of Governors na nagkasundo sa paghirang sa sister teams na siyang “teams to beat” sa All-Filipino Conference na magbubukas sa Marso 8 sa Smart Araneta Coliseum.
Kasalukuyang nasa recovery ang five-time PBA MVP na si Fajardo matapos madale ng complete fracture sa kanyang right tibia.
Hindi siya makakalaro sa buong Philippine Cup at maaaring mapalawig pa hanggang sa second conference na Commissioner’s Cup.
Si Slaughter naman, sa kabilang banda ay biglaang nagdesisyon na magpapahinga muna sa basketball matapos mapaso ang kontrata sa Gin Kings.
Pinagharian ng San Miguel ang Philippine Cup at Commissioner’s Cup noong nakaraang taon, habang Ginebra naman ang nanalo sa Governors’ Cup.
Sa pagkawala ni Fajardo ay aasa si coach Leo Austria kina Marcio Lassiter, Chris Ross, Alex Cabagnot at ang nagbabalik na si Arwind Santos mula sa kanyang team suspension.
Bagong mukha rin sa Beermen si Russel Escoto mula sa NorthPort at handang punan ni Moala Tautuaa ang puwesto ni Fajardo.
Ang Gin Kings naman ni coach Tim Cone ay babanderahan nina Governor’s’ Cup Finals MVP Japeth Aguilar kasama sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Jeff Chan, Art Dela Cruz at Mark Caguioa kasama sina rookies Arvin Tolentino ng FEU at Jerrick Balanza ng NCAA champion na Letran.
- Latest