WASHINGTON -- Iniskor ni forward Khris Middleton ang huling siyam na puntos ng Milwaukee Bucks para takasan si Bradley Beal at ang Wizards, 137-134, sa overtime.
Kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 22 points at 14 rebounds bago na-foul out sa huling 1:33 minuto sa regulation period.
Tumapos si Middleton na may 40 points tampok ang three-pointer sa huling 30.2 segundo para ibigay sa Bucks ang 135-132 bentahe.
Matapos ang dalawang free throws ni Beal para sa Washinghton ay nakahugot naman ng foul si Middleton sa nalalabing 7.8 segundo para ilayo ang Milwaukee sa 137-134.
Hindi naman naipasok ni Troy Brown, Jr. ang kanyang tangkang 3-pointer sa huling posesyon ng Wizards.
Humataw si Beal ng 55 point points, ang 22 rito ay ginawa niya sa fourth quarter at pito sa overtime, sa panig ng Washington, nakahugot kay Shabazz Napier ngseason-high na 27 points.
Sa Los Angeles, kumamada si Kawhi Leonard ng 25 points at may 22 markers si Montrezl Harrell para igiya ang Clippers sa 124-97 panalo kontra sa Memphis Grizzlies.
Winakasan ng Los Angeles ang kanilang three-game losing skid.
Pinamunuan ni Ja Morant ang Memphis mula sa kanyang 16 points kasunod ang 14 markers ni Josh Jackson.
Sa Houston, nagtala si James Harden ng 37 points para ihatid ang Rockets sa 123-112 tagumpay laban sa New York Knicks.
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng Houston.
Tumipa si Harden ng 31 markers sa halftime para ibigay sa Houston ang 72-57 abante laban sa New York.
Nalasap ng New York ang kanilang ikaapat na dikit na kamalasan.
Sa Salt Lake City, nagposte si guard Ricky Rubio ng 22 points, 11 assists at 7 steals para pamunuan ang Phoenix Suns sa 131-111 paggupo sa Utah Jazz.
Naglista si Devin Booker ng 24 points at 10 assists para sa Suns, habang may 16 markers si Deandre Ayton.
Pinangunahan ni Donovan Mitchell ang Jazz mula sa kanyang 38 points kasunod ang 16 markers ni Bojan Bogdanovic.
Sa Dallas, tumipa si Tim Hardaway Jr. ng 23 points at may 20 markers si Luka Doncic para banderahan ang Mavericks sa 139-123 paglampaso sa Minnesota Timberwolves.
Nagtala si D’Angelo Russell ng 29 points sa panig ng Timberwolves kasunod ang 21 markers ni Malik Beasley.
Sa Cleveland, nagsalpak si rookie swingman Kevin Porter Jr. ng season-high na 30 points para sa 125-119 pagdaig ng Cavaliers sa Miami Heat.