2-golds hinataw ng Pinoy squash team
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng puwersa ang Pinoy squash team matapos bumanat ng dalawang ginto at apat na tanso sa 2020 Southeast Asian Cup Squash Championship na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Galing ang dalawang ginto sa jumbo doubles kung saan winalis ng Pilipinas ang titulo sa men’s at women’s divisions.
Nagtulong sina Ro-bert Garcia at David William Pelino sa paggupo kina Satria Laksana at Agung Wilant ng Indonesia sa pamamagitan ng 12-15, 15-14, 11-3 desis-yon sa men’s finals para masiguro ang ginto.
Nakisosyo sa tagum-pay sina Jemyca Aribado at Yvonne Alyssa Dalida nang ilampaso ng Pinay duo sina Nisa Nur Fadillah at Yaisha Putri Yasandi ng Indonesia, 15-8, 15-7, tungo sa kampeonato sa women’s division.
Nagdagdag pa ng tig-iisang tanso sina Aribado, Garcia, Dalida at dating gold medallist Reymark Begornia sa singles events.
Nagkasya sa tanso si Garcia matapos yumuko kay Duncan Lee Yung Yii ng Malaysia, (13-11, 5-11, 11-8, 9-11, 8-11) habang natalo rin si Begornia laban naman kay Muhammad Hafiz Zhafin Bin Abdul Harif ng Malaysia (7-11, 11-6, 9-11, 11-13) sa kani-kaniyang semis matches.
Ganito rin ang kinasapitan nina Aribado na tumupi kay Aira Azman ng Malaysia (5-11, 4-11, 11-9, 8-11) at Dalita na lumasap ng 2-11, 6-11, 5-11 desis-yon kay Heng Wei Wong ng Malaysia sa magkahiwalay na semis games.
Nalampasan ng Pinoy squad ang isang ginto at isang pilak na medalyang nakuha nito noong 2016 edisyon ng torneo na ginanap sa Myanmar.
- Latest