MANILA, Philippines — Inaabangan na ang pagbabalik-aksiyon ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 95 sa Marso 16.
Mismong si NCAA Management Committee (ManCom) chairman Peter Cayco ng Arellano University ang nagbigay ng petsa kung kailan mu-ling aariba ang bakbakan sa iba’t ibang sports.
Ayon kay Cayco, inaasahang aaprubahan ng NCAA Policy Board ang naturang petsa matapos dumaan ang liga sa konsultasyon sa Commission on Higher Education, Department of Education at Department of Health.
Una nang nagdesis-yon ang NCAA na kanselahin ang mga laro sa juniors division noong Pebrero 16 kasunod ang postponement ng mga events sa seniors noong Pebrero 14 dahil sa coronavirus outbreak.
Nakasentro ang lahat sa pagbabalik ng volleyball tournament na may dalawang playdates pa bago magsimula ang Final Four.
Maghaharap pa ang San Beda University at Lyceum of the Philippines, College of Saint Benilde at Mapua University habang magtutuos naman sa hu-ling araw ng eliminasyon ang Arellano at Benilde pati na ang Colegio de San Juan de Letran at San Sebastian College-Recoletos.
Kumpleto na ang Final Four sa women’s division – ang Benilde (7-0), Arellano (7-1), San Beda (6-2) at University of Perpetual Help System Dalta (6-3).
Puwestuhan na lamang ang pinaglalabanan kung saan pinakakrusyal ang bakbakan ng Lady Blazers at Lady Chiefs sa final day ng elimination round.
Sakaling manalo ang Benilde sa Mapua at Arellano, mawawalis nito ang siyam na laro at awtomatiko itong uusad sa finals habang maiiwan ang Lady Chiefs, Lady Red Spikers at Lady Altas sa stepladder semifinals.
Maliban sa volleyball, ipagpapatuloy ang mga laro sa football, lawn tennis at soft tennis.
Uumpisahan naman ang track and field sa Marso 16 habang lalarga ang cheerleading sa Marso 30, Under-15 basketball sa Abril 25 at beach volleyball sa Abril 29.